Ipinakita niya sa akin ang kagandahan ng mundo; tinuro niya sakin ang bilog na buwan at ang misteryong bumabalot dito, kwinento niya sakin kung gaano kalalim ang dagat at inisa-isa ang mga nakakatakot na mga buhay na naglalanguyan dito; ipinakita niya sa akin ang malawak na kagubatan na punong-puno ng mga puno na tila bang nakatingin sa akin at higit sa lahat, ipinakilala niya ang Diyos sa akin.
Isang pangyayari sa buhay namin ang hinding-hindi ko kayang makalimutan kahit kailan na paulit-ulit kong babalikan sa mga panahong ako ay nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Naaalala ko pa noong ako’y anim na taong gulang pa lamang. Hindi ko makalimutan ang tagpong nakakandong at nakayakap ako sa kanyang payat na mga balikat habang ako’y kanyang pinapatulog. Naramdaman ko ang kanyang paghinga, malalim at tila ba napakalalim ng mga iniisip. Napapikit ako habang kanyang hinihele. Biglang may kung anong pwersa ang napamulat sa akin. Kakaibang pakiramdam na ngayon ko lang naranasan. Kakaibang pangyayari na ngayon ko lang naramdaman. Tumingin ako sa paligid. Madilim na pala. Marahil ay malalim na ang gabi. Ngunit ako’y yakap-yakap pa din ng aking Ina sa aming kahoy na upuan. Tumingin ako ulit sa kawalan. Napansin ko na butas na pala ang aming dingding sa bandang kaliwa. Ito ay natatakpan na lamang ng isang lumang kalendaryo na tila ba’y nagpapahiwatig ng pagkatalo at gusto na mamahinga. Ako’y tila nalungkot at tumingin sa gawing kanan. Nakita ko ang lalagyan ng mga laruan ko. Gusto ko sanang tingnan ito ngunit napansin kong may laman itong tubig. Napatingin ako sa itaas at may malaking butas pala doon. Mayroon pa sa kaliwa, at meron sa gitna. Biglang gumalaw si Ina, nawala tuloy ako sa aking gunita. Naramdaman ko ulit ang lalim ng kanyang paghinga. Tumingin ako sa kanya. Tiningnan lahat ng kung anong mayroon sa mukha niya. Maganda ang aking Ina. Medyo natatakpan lang ng malalalim at maiitim na eyebags ang kanyang mapupungay at pagod na mga mata. Medyo hindi lang siya nakapagsuklay ngayon, dagdag ko. Hindi din siguro siya nakapaligo ngayong araw dahil sa maghapong pagtatrabaho. Pero bakit parang may kung anong sumakit sa puso ko? Bigla akong napaluha at napayakap sa kanya. Itong babaeng nasa harapan ko, ang pinakamamahal ko, ay pagod na pagod na pala na tila ba hindi na kayang ngumiti pa. Pero sinubukan ko. At habang umiiyak ako, bigla kong nasabi ang mga katagang sa unang beses lumabas sa bibig ko para sa taong nag-iisa sa buhay ko. ‘Mahal kita, Ina. Mag-aaral po akong mabuti para sa inyo.’ Ngumiti siya, lumuha at niyakap ako ng mahigpit.
Marahil tayong lahat ay mayroong sariling kwento. Ngunit itong tagpong ito ang hinding-hindi mawawala hanggang tumanda man ako. Naimulat sa akin nito sa murang edad ang kahirapan, pagpupursige at pagmamahal na kahit kailan ay hinding-hindi mapapantayan na kahit ano sa mundong ito. Inay, mahal kita.
Ina ba Kamo?
Reviewed by Pia
on
11:32:00 PM
Rating:
No comments: